Maging matibay at matatag.
Iyan ang payo ni outgoing Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., kasunod ng nakatakda nitong pagbaba sa pwesto kasabay ng kanyang retirement sa Lunes, April 24, 2023.
Ayon kay Azurin kung nais ng kanyang successor ng totoong pagbabago sa hanay ng Pambansang Pulisya ay dapat handa nitong kaharapin ang lahat ng hamon at pagsubok na kaakibat ng kanyang pwesto.
Kasunod nito, naniniwala ang PNP chief na nagawa nya ng maayos ang kanyang tungkulin sa loob ng halos 9 na buwan nito sa pwesto.
Aniya, pagtapos ng kanyang termino magkakaroon muna siya ng panahon sa kanyang pamilya.
Samantala, depende aniya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung aalukin sya ng panibagong puwesto sa gobyerno.
Wala naman itong nabanggit kung sino ang hahalili sa kanya bilang pinuno ng Pambansang Pulisya.
Nabatid na otomatikong contender sa pagiging susunod na PNP chief ang mga miyembro ng command group na sina Deputy chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia, Deputy chief for operations Maj. Gen. Jonnel Estomo at Chief of the Directorial Staff. Lt. Gen. Michael John Dubria.