Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na mananagot ang nasa likod ng pagdukot at pagpatay kay Jovelyn Galleno, isang sales lady sa Puerto Princesa, Palawan na una nang napaulat na nawawala.
Ayon kay PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., naihain na ang rape with homicide sa Puerto Princesa City Prosecutor’s Office laban sa mga suspek.
Sinabi ni Azurin na maituturing itong breakthrough sa kaso dahil sa kabila ng mga hamon na kinaharap ng mga awtoridad ay hindi pa rin sila sumuko para maresolba ang krimen.
Giit pa ng opisyal na maigagawad ang hustisya kay Jovelyn.
Matatandaan na natagpuan ang pinaniniwalaang skeletal remains at damit ng dalaga sa masukal na bahagi ng Brgy. Sta Lourdes noong Agosto 23, matapos na una itong iulat na nawawala noong Agosto 5.
Nagtugma rin ang DNA results mula sa skeletal remains ni Jovelyn sa kanyang ina.
Nabatid na pinsan pa mismo ng biktima ang gumahasa at pumatay rito.
Kasaluyang nagsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI).