PNP Chief Azurin, taas noong bababa sa serbisyo

Tiwala si outgoing Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., na nagawa niya nang maayos ang kanyang trabaho na pamunuan ang buong pwersa ng Pambansang Pulisya sa halos 9 na buwan nito sa pwesto.

Ayon kay Azurin, taas noo siyang bababa sa pwesto bukas, Abril 24, kasabay ng kanyang mandatory retirement.

Inilarawan din ni Azurin na tila mala-roller coaster ang kanyang panunugkulan sa PNP dahil sa kaliwa’t kanang kontrobersiya na kinasangkutan ng ilang opisyal at kawani ng PNP.


Kabilang dito ang umano’y tangkang cover up sa pagkakaaresto kay PMSgt. Rodolfo Mayo na nahulihan ng halos 1 toneladang shabu sa pagmamay-ari nitong lending shop sa Maynila.

Bagama’t may kontrobersiya, ibinida rin nito ang ilang tagumpay ng PNP kabilang na ang pagtukoy sa mastermind sa pagpatay sa radio broadcaster na si Percy Lapid at ang pagsasampa ng kaso laban kay dating Bureau of Corrections (BUCOR) Chief Gerald Bantag at iba pa dahil sa nasabing kaso.

Gayundin ang pagsasampa ng asunto laban kay Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr., kaugnay ng kaliwa’t kanang patayan sa lalawigan at ang pagsasampa rin ng kaso sa mga suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at ang patuloy na pagbaba ng antas ng krimen sa bansa.

Samantala, personal na dadalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Change of Command Ceremony at Retirement Honors kay Gen. Azurin sa Kampo Krame.

Facebook Comments