May basehan at lehitimo ang mga ikinasang operasyon ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga indibidwal kabilang na ang mga consultant ng National Democratic Front at iba pang may koneksyon sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Ito ang tiniyak ni PNP Chief General Guillermo Eleazar, taliwas sa pahayag ng National Democratic Front (NDF) na may pag-atake laban sa kanilang mga miyembro at iba pang kritiko ng gobyerno ang PNP makaraang sila’y ideklarang teroristang organisasyon ng Anti-Terrorism Council.
Ayon kay PNP chief, palaging may basehan ang kanilang operasyon at hindi kailanman naging dahilan ang pagbatikos sa administrasyon.
Mataas aniya ang respeto ng PNP sa karapatan sa malayang pananalita at pagpapahayag.
Itinanggi rin ni Eleazar ang alegasyon ng NDF na gawa-gawa lamang ang mga kasong isinampa laban sa mga naarestong consultant at iba pang personalidad na may kaugnayan sa CPP-NPA.
Para kay Eleazar, takot lang CPP-NPA-NDF na harapin ang mga kaso dahil alam nilang matibay ang ebidensya laban sa kanila at sigurado aniyang mahaharap sila sa mahabang panahong pagkakakulong.