Susunod lamang daw si Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos kung may official order para palitan na siya bilang PNP chief.
Ginawa ni Carlos ang pahayag matapos na kumalat ang isang text message na nakasaad na sa April 25 ay uupo na raw bilang officer-in-charge ng PNP si Lt. Gen. Rhodel Sermonia habang non-duty status na raw si Gen. Carlos simula April 25 hanggang May 8.
Si General Carlos ay nakatakdang magretiro sa serbisyo sa May 8 isang araw bago ang eleksyon.
Si Sermonia naman ang kasalukuyang PNP Deputy Chief for Administration o pangatlo sa matataas na opisyal ng PNP.
Ayon sa PNP chief, walang siyang natatanggap na order mula sa mga nakatataas kaugnay rito.
Ibig sabihin daw nito hindi pa siya papalitan.
Sa ngayon aniya ay nakatuon lang siya sa pagtatrabaho para mas mapaghandaan ang May 9 election at matiyak na ito’y magiging payapa at tapat na halalan.
Dagdag pa nito na maging si Pangulong Rodrigo Duterte raw ay masaya sa performance ng PNP sa paghahanda sa eleksyon.