Tuloy ang trabaho ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Camilo Cascolan hanggang sa kaniyang pagreretiro sa November 10, 2020.
Pahayag ito ng opisyal nang tanungin kaugnay sa posibilidad na mapalawig pa ang kaniyang termino bilang Hepe ng Pambansang Pulisya na nagsimula dalawang buwan na ang nakalilipas.
Ayon kay Cascolan, sumentro ang kaniyang panunungkulan sa 9 point agenda para sa PNP sa ilalim ng kanilang Patrol Plan 2030.
Ipinagmalaki naman ni Cascolan na bagama’t maikli lang ang kaniyang naging termino, naging makabuluhan naman ito dahil kaniyang naibalik ang imahe ng mga pulis na disiplinado, respetado at responsible.
Samantala, sinabi rin ni Cascolan na bukas siya sa anumang posisyong i-alok sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang kaniyang serbisyo bilang PNP Chief.