PNP chief, iniutos ang pagsasampa ng administratibong kaso laban sa 13 tauhan ng CIDG na sangkot sa “hulidap”

Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., ang pagsusulong ng administratibong kaso laban sa 13 pulis na nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) na sangkot sa kwestyonableng raid sa Parañaque noong nakaraang linggo.

Ito’y kahit na binawi na ng mga biktima ang nauna nilang pahayag na hulidap ang ginawa sa kanila ng 12 mga pulis dahil kinuha umano ng mga ito ang kanilang mga mamahaling relo, bag, alahas at cash matapos silang arestuhin dahil sa pagsusugal.

Ayon kay Azurin, maaring nawala ang kriminal na pananagutan ng mga pulis kung tumanggi ng magsampa ng reklamo ang mga biktima.


Pero mayroon pa rin aniya silang pananagutan sa pamamaraan ng pagsasagawa nila ng operasyon.

Malinaw aniya na may operasyon at may mga inaresto, pero walang isinagawang inquest proceedings para sa isang inquestable offense.

Sa ngayon, iniimbestigahan na ng Internal Affairs Service kung may mga nalabag na police operational procedures ang naturang mga pulis.

Matatandaang 13 tauhan ng CIDG-NCR ang inalis sa pwesto kasama na ang kanilang Hepe na si Col. Hansel Marantan dahil sa nasabing insidente.

Facebook Comments