Itinuturong dahilan ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde ang “internal politics” ang pagkakadawit niya sa isyu ng recycling ng iligal na droga.
Kasunod ito ng mga hindi magandang pahiwatig na isa umanong aktibong 4-star general ang kabilang sa mga itinuturing na ninja cops.
Sa isang press conference sa Camp Crame, sinabi ng PNP chief na bagamat hindi siya direktang pinangalanan, hindi niya maiwasan na isipin na siya ang tinutukoy ng mga report dahil siya lang naman ang nag-iisang aktibong 4 star general.
Tinawanan na lang ng PNP chief ang isyu at sinabing maaring na-recycle lang ang isyu tulad ng pag-recycle sa droga, ngayong papalapit na ang kanyang pagreretiro dahil sa “internal politics sa PNP”.
Sa press conference kahapon , ipinaliwanag din ni NAPOLCOM Vice Chairman Rogelio Casurao na ang pagkakatanggal sa pwesto ni Albayalde noong panahon na siya ang Pampanga Provincial Director ay administrative relief lang, matapos na maakusahan ang ilan niyang mga tauhan sa umano’y pagre-recycle ng droga.
Tinukoy din ni Casurao na ang mga tauhan ni Albayalde na sangkot sa insidente ito ay kinasuhan at napawalang sala din kinalaunan.
Sinabi pa ni Albayalde na nalinaw na rin siya sa isyung ito dahil sinuri ng husto ang kanyang background bago siya maging NCRPO director at PNP chief.