Maagang lumipad patungong Jolo Sulu ngayong umaga si PNP Chief PDG Oscar Albayalde.
Ayon kay PNP Spokesman Senior Superintendent Bernard Banac, gusto ng PNP chief na tignan ang isinasagawang imbestigasyon sa naganap na dalawang pagsabog kahapon sa Jolo Cathedral.
Nais niya ring personal na maipaabot ang pakikiramay sa mga biktima ng pagsabog na sa huling bilang ng PNP-ARMM ay umabot na sa 20 patay at 111 sugatan.
Dalawa sa sugatan ay miyembro ng PNP.
Ayon kay Banac ang personal na pagharap ng PNP chief sa mga pulis sa Jolo ay upang matiyak na manatiling alerto ang mga pulis sa Jolo sa harap ng naganap na insidente ng terorismo.
Dapat sana ay pangungunahan ni Albayalde ang pagdiriwang ng ika-28 anibersaryo ng PNP sa Camp Crame ngayong umaga kasama si DILG Secretary Eduardo Año.
Hindi narin nakarating si Año sa pagdiriwang at isang kinatawan na lang ang pinadala.