PNP chief, makikipagdayalogo sa NAPOLCOM kaugnay sa naging balasahan sa Pambansang Pulisya

Makikipag-usap si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., sa National Police Commission (NAPOLCOM) upang plantsahin ang sistema ng pagtatalaga ng mga matataas na opisyal ng PNP.

Ang pahayag ay ginawa ni Gen. Azurin kasunod ng huling balasahan sa liderato ng PNP.

Sa resolusyong nilagdaan ni NAPOLCOM Chairman at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr., noong Agosto 9, pinaalalahanan ang PNP na dapat ay isinusumite muna nila sa NAPOLCOM para makumpirma ang promosyon ng mga 3rd level official alinsunod sa umiiral nilang circular.


Paliwanag ni Gen. Azurin, nagkaroon na ng unang kasunduan ang NAPOLCOM at PNP noong panahon ng yumaong NAPOLCOM Vice Chair at Executive Officer Rogelio Casurao kung saan pinayagan ang PNP na ipatupad ang promosyon ng mga matataas opisyal kahit wala pang kumpirmasyon ng NAPOLCOM.

Ito’y dahil sa naging karanasaan noong nakaraan na umaabot ng mahigit isang taon ang kumpirmasyon ng mga heneral.

Gayunman, sinabi ni Gen. Azurin na kung gustong ibalik ng NAPOLCOM ang dating sistema ay handa siyang makipagdayalogo o makipag-usap hinggil dito.

Facebook Comments