Nagpaalala si Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa mga pulis na maging sa publiko na gampanan ang kanilang papel para maiwasan ang pagkalat ng Delta variant na pinaniniwalaang mas nakahahawa kaysa sa ibang variant ng COVID-19.
Ayon kay Eleazar, dapat ipagpatuloy ng mga tauhan ng PNP ang mahigpit na pagpapatupad ng protocol na inilatag ng gobyerno bilang tugon sa nagpapatuloy na banta ng COVID-19 habang ang publiko naman ay kailangang sumunod sa inilatag na health protocols.
Naniniwala ang opisyal na kailangan kumilos ang lahat para mapigilan ang pagkalat ng mas nakahahawang variant ng virus.
Dagdag pa ni Eleazar, bukod sa bakuna at pagsunod sa health protocols, kailangan din pairalin ang disiplina ng bawat isa.
Ayon pa sa PNP Chief, palagi rin sanang tandaan ng publiko na ang bawat protocol at guideline na inilalabas ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay para rin sa kaligtasan at kapakanan ng lahat.
Kasabay nito, inatasan ni Eleazar ang lahat ng mga lokal na pulisya at iba’t ibang unit na paigtingin pa ang pakikipag-ugnayan sa mga Local Government Unit para sa mahigpit na pagpapatupad ng minimum public health safety standards at quarantine protocols.