PNP chief tinawag na sipsip at epal ng KMU

Ayaw  patulan ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde ang pagtawag sa kanya ng Kilusan Mayo Uno (KMU)  na “epal” at “sipsip” siya kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang statement, sinabi ni PNP Spokesman Police Colonel Bernard Banac na pinaninindigan ng PNP chief ang kanyang posisyon na ang KMU ang responsable sa pagkawala ng trabaho sa bansa.

Ito ay dahil sa kanilang mga “anti-government activities” na tinatakot ang mga foreign investors, kaya lumayas sila sa Pilipinas.


Sinabi naman ni Albayalde na sa halip na mag-“name calling”, bakit hindi na lang sagutin ng KMU ang alegasyon na sila ay front organization ng teroristang CPP-NPA, na mismong si CPP founding Chair Jose Maria Sison pa ang nagsabi.

Dagdag pa ng PNP chief, dapat tigilan na ng KMU ang paggamit sa mga manggagawang Pilipino para sa kanilang pansariling interes.

Siniguro naman ni Banac na sa panig ng PNP ay patuloy nilang pangangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa, sa pamamagitan ng pagtiyak ng isang ligtas na “environment” na pabor sa pagnenegosyo ng mga lokal at dayuhang mamumuhunan.

Facebook Comments