Nananatiling kontrolado ng tropa ng gobyerno ang sitwasyon sa Maguindanao matapos ang ilang magkakasunod na pag-atake ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar, nagpapatuloy ang PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagsasagawa ng intensified manhunt operations laban sa mga miyembro ng BIFF na nasa likod ng pag-atake sa Datu Paglas Maguindanao.
Sa katunayan ayon kay Eleazar, kahapon panibagong engkwentro sa pagitan ng local threat group ang naganap kung saan apat na miyembro ng BIFF-Karialan faction ang napatay, habang nakuha sa mga ito ang isang high powered firearm at mga war materials.
Matatandaang noong Sabado nang madaling araw ay inokupa ng mahigit isang daang miyembro ng BIFF Karialan faction ang palengke ng Datu Paglas.
Inabot pa ng ilang oras ang sagupaan bago nagsitakas ang mga BIFF na ngayon ay target na ng pursuit operation ng militar at pulisya.