PNP-CIDG, nanindigang hindi nagtanim ng ebidensya sa anim na naarestong terorista

Itinanggi ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang paratang na ibinabato sa kanila ng grupong Gabriela at Bayan Muna.

Ito ay matapos na akusahan ng dalawang grupo ang PNP na nagtatanim ng ebidensya at gumagawa ng mga kaso laban sa anim na miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front o CPP-NPA-NDF na kanilang naaresto sa magkahiwalay na operasyon ng Armed Forces of the Philippines o AFP at PNP sa Quezon City at Bulacan kamakailan.

Sa isang pahayag, binanatan din ng Gabriela ang PNP dahil sa anilay sablay na ginawa ng PNP.


Nakasulat kasi sa tarpaulin ang salitang “Babe” na tumutukoy sa babae sa kanilang slogan na Babae, Bata at Bayan na siyang naging viral naman sa social media.

Ayon kay CIDG Director PMGen. Albert Ferro, lehitimo ang kanilang operasyon at talagang nakita ang tarpaulin sa mga nakumpiskang kagamitan ng mga naaresto at hindi nila ito itinanim.

Mahigpit daw silang sumunod sa Police Operational Procedures.

Aniya, gusto lang ng Gabriela na ipawalang bisa ang ikinasa nilang operasyon at i-discredit ang ginawa ng mga otoridad bilang tagapagpatupad ng batas pero hindi aniya sila patitinag at handang harapin hanggang sa korte ang mga bintang laban sa kanila ng grupo.

Facebook Comments