Nasa full alert status na ngayon ang Philippine National Police (PNP) para paghandaan ang epekto ng pananalasa ng Bagyong Dante.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, lahat ng concerned police offices ay nasa full alert status partikular ang PNP disaster response units sa Eastern at Northern Samar na tinutumbok ngayon ng Bagyong Dante.
Utos ni Eleazar sa mga Police Unit na makipag-ugnayan sa mga Local Government Unit at local offices ng Office of Civil Defense para matukoy ang tulong na kanilang ibibigay.
Pinatitiyak din ni PNP Chief sa mga concerned local police na nasusunod pa rin ang minimum public health safety standards sa loob ng mga evacuation center.
Kaugnay nito, pinagana na rin ng PNP ang Reactionary Standby Support Force (RSSF) sakaling kailanganin ng dagdag pwersa dahil sa epekto ng pananalasa ng Bagyong Dante.
Panawagan ni Eleazar sa mga nakatira sa mga lugar na tumbok ng bagyo na manatiling ligtas at alerto at sumunod sa awtoridad kapag may direktibang lumikas.