Cauayan City, Isabela- Maraming anggulo ang tinitignang motibo ng mga tagapagsiyasat ng Echague Police Station sa pamamaril na ikinamatay ng barangay Kapitan ng Camarao, Cordon, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj Michael Esteban, hepe ng pulisya, hindi pa aniya nito maaaring ilantad sa publiko ang mga nakuhang impormasyon na magsisilbing gabay para sa kanilang ginagawang masusing imbestigasyon.
Ibinahagi lamang nito na mayroon na rin tinitignang person of interest sa pagpatay kay Brgy Chairman Ricardo R. Mencias.
Ginanawa aniya ng kanyang hanay ang kanilang makakaya para sa agarang ikalulutas ng krimen.
Kaugnay nito, nagdagdag na ng pwersa ang PNP Provincial Director para sa special task group na magiging katuwang ng mga pulis sa pagkalap ng mga impormasyon para sa mas mabilisang pagsasagawa ng imbestigasyon sa insidente.
Magugunita noong Oktubre 17, 2020 nang maabutan ang duguan at wala nang buhay na Kapitan sa loob mismo ng kanyang sakay at minamanehong puting Sport Utility Vehicle (SUV) na may plakang ACL 4430 na nakaparada sa gilid ng daan sa kahabaan ng brgy. Pag-asa, Echague, Isabela.
Mayroon itong tama ng bala ng baril sa mukha na tumagos sa kanyang batok na dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.
Isang (1) basyo naman ng Caliber 45 ang nbarekober sa pinangyarihan ng insidente.
Humihingi naman ng tulong ang Hepe sa mga posibleng nakakita o saksi sa pamamaslang na makipagtulungan sa mga pulis para sa agarang pagresolba ng kaso.