Gamu, Isabela- Puspusan parin ang pakikipagkaisa ng PNP Gamu sa kampanya ng kapulisan kontra iligal na droga hanggang tuluyang malinis at maideklarang drug cleared ang kanilang bayan.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Chief Inspector Richard Limbo, ang hepe ng PNP Gamu, sinabi nito na mula umano sa labing anim na barangay sa kanilang bayan ay labing apat dito ang drug affected at dalawa naman ang drug free.
Dagdag pa niya, nasa mahigit isang daan at walumpu umano ang kabuuan ng tokhang responders sa kanilang bayan at isang daan at labing apat naman mula rito ay nakatapos na umano ang Community Based Rehabilitation Program (CBRP).
Sa ngayon ay tuloy-tuloy parin umano ang ginagawa nilang pagkilos upang mapasuko na at mahikayat na sumailalim sa CBRP ang natitira pang bilang ng mga tokhang responders habang puspusan din ang ginagawang paghikayat ng kapulisan ng Gamu sa mga kaanak at mga magulang ng mga umalis na tokhang responders upang bumalik at tuluyang malinis at matanggal sa watch list ang pangalan ng mga ito.
Malaki naman ang pasasalamat ni PCI Limbo sa lokal na pamahalaan ng Gamu dahil sa magandang ugnayan at suporta ng mga ito sa kapulisan lalo na sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang bayan.
Samantala, upang patuloy na mabantayan at mapanatili umano ang kapayapaan ay mas nagiging mahigpit umano ang paning ng PNP Gamu sa mga pagpapatupad ng mga ordinansa maging ang pagpapalawig sa kanilang Patrol Beat System