PNP, hindi kailangang makisawsaw sa drug war – Senator Gatchalian

Manila, Philippines – Para kay Senator Win Gatchalian hindi dapat pumapel ngayon ang Philippine National Police o PNP sa matinding kampanya ng Duterte administration laban sa ilegal na droga.

Ito ay dahil kuntento si gatchalian sa resulta ng trabaho ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa unang buwan ng pangunguna nito sa drug war.

Ang pahayag ay ginawa Gatchalian makaraang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng pakilusin niya muli ang PNP para magsagawa ng mga anti-illegal drug operations.


Tinukoy ni Gatchalian na sa 1,341 anti-illegal drug operations na ikinasa ng PDEA mula October 10 hanggang November 10 ay umabot sa 404 drug personalities ang naaresto at P54 million pesos na halaga ng ilegal na droga naman ang nakumpiska.

Diin pa ni Gatchalian, sa nabanggit na mga operasyon ay dalawa lang ang napaulat na nasawi na kinabibilangan ng isang PDEA agent at isang drug suspect.

Katwiran ni Gatchalian, sa halip na pakilusin muli ang PNP ay mas makabubuting bigyan ng mas mahabang panahon ang PDEA para tuparin ang mandato nito.

Facebook Comments