Manila, Philippines – Pinasinungalingan ng Palasyo ng Malacañang ang akusasyon ng Alliance of Concerned Teachers na sila ay pinoprofile o tinitiktikan ng Philippine National Police.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, itinanggi na ito ng PNP at sakali mang totoo ito ay wala namang masama dahil ito ay totoong gawain naman ng PNP bilang parte ng pagganap sa kanilang tungkulin.
Paliwanag ni Panelo, trabaho ng PNP na silipin ang anomang hawak na impormasyon lalo pat kung ito ay may kaugnayan sa anomang krimen lalo na ang planong pagpapabagsak sa Gobyerno.
Binigyang diin din ni Panelo na hindi maituturing na krimen ang pagmomonitor.
Tiniyak din naman ni Panelo na wala namang dapat ikabahala ang mga guro sa lumutang na impormasyon na nagpupunta ang mga Pulis sa ibat-ibang paaralan at hinihingi ang mga pangalan ng mga guro na kasapi ng ACT dahil wala naman itong katotohanan.