Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi pa rin sila maaaring makapasok sa mga campus ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) kahit ibinasura ng Department of National Defense (DND) ang 1989 Enrile-Soto accord.
Ayon kay PNP Chief Police General Debold Sinas, nakasaad sa kasunduan na ang military forces ay kailangang humingi ng pahintulot sa UP bago sila makapasok sa mga campus pero hindi ito sakop ng PNP.
Nang mapirmahan ang kasunduan noong 1989, ang mga pulis ay nasa ilalim pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ng Philippine Constabulary-Integrated National Police.
Ang PNP ay itinatag noong 1991 bilang isang hiwalay na police force mula sa military.
Sinabi ni Sinas na mayroong kasunduan na kaparehas sa UP-DND accord na nilagdaan noong 1992 sa pagitan ng Presidente ng UP at ng Secretary ng Department of the Interior and Government (DILG).
Ibig sabihin, ang PNP ay nasa ilalim ng DILG.
Hindi naman masagot ni Sinas kung irerekomenda niya ang pagbasura sa kanilang kasunduan kay Interior Secretary Eduardo Año.
Aniya, hihintayin na lamang nila ang deklarasyon ni Año hinggil dito.
Aminado si Sinas na nahihirapan silang pumasok sa UP lalo na kapang may nangyaring criminal incidents sa loob ng campus dahil matagal ang pagpoproseso sa clearance.
Sakaling mabawi rin ang kasunduan para sa PNP, mas madali na para sa mga pulis na makapasok sa UP campuses.
Pero nilinaw ni Sinas na hindi sila mangingialam sa pamunuan ng unibersidad at layunin lamang nilang panatilihin ang kaayusan sa pamamagitan ng regular patrol sa loob ng mga campus.