PNP-HPG, babantayan na rin kung naipapatupad ang physical distancing sa loob ng mga sasakyan

Iinspeksyunin na rin ng mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) ang mobile checkpoints kung nasusunod ang physical distancing sa mga pasahero sa loob ng mga sasakyan sa daan.

Pahayag ito ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Operations at Joint Task Force (JTF) COVID-19 Shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar kaugnay ng ipatutupad na modified checkpoint scheme, matapos ang downgrading ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Modified ECQ at General Community Quarantine (GCQ).

Aniya, hindi ibig sabihin ng downgrading ay nawala na ang banta sa COVID-19, kaya pananatilihin pa rin nila ang mahigit 4,000 Quarantine Control Points (QCP) sa buong bansa para masiguro ang mga pinayagang lumabas sa ilalim ng MECQ at GCQ ay tumutupad parin sa mga health protocol.


Ngunit, dahil sa mas marami na ang mga tao sa daan, random checking na lang sa QCP at HPG mobile checkpoints ang kanilang gagawin upang makaiwas sa pagkakaroon ng trapik na hindi makakatulong para sa ikakasigla muli ng ekonomiya.

Una nang nagpalabas ng guidelines ang Inter-Agency Task Force (IATF) tungkol sa recommended seating arrangement na dapat ipatupad sa mga sasakyan para masiguro ang physical distancing.

Pinapayuhan ni Eleazar ang mga motorista na huwag nang magtaka kung bigla silang parahin ng mga HPG riders, sa halip tumabi na lang sa daan para mabilis ang pag-iinspeksyon.

Facebook Comments