
Kinumpirma ng Philippine National Police -Highway Patrol Group (PNP-HPG) na may 24 na mga sasakyan ang nasa listahan ng kanilang ahensya na iniuugnay kay dating Ako Bicol Representative Zaldy Co.
Matatandaan na nasamsam ng pinagsanib na operasyon ang PNP, Bureau of Customs (BOC), at Land Transportation Office (LTO) sa isang condominium building sa BGC, Taguig City ang 12 mga luxury cars kung ito ay nasa kustodiya na ngayon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Ayon kay HPG Director BGen. Hansel Marantan, may dalawa pang sasakyan na naiwan sa nasabing lugar dahil hindi ito umano mapaandar kung saan sa kabuuan ay nasa 14 na ang narerekober ng ahensya.
Tiniyak naman nya na bantay-sarado ang nasabing mga naiwang sasakyan at inaasahang kukunin ngayong araw .
Sa ngayon, mayroon pang 10 na mga sasakyan na may kaugnayan kay Co na pinaghahanap pa ng mga awtoridad.
Samantala, nanindigan si Marantan na legal ang kanilang ginawang operasyon matapos ang pag-alma ng kampo ni Co at sinabi pang sasampahan ng kaso ang mga kumuha ng mga nasabing sasakyan.










