Inalis ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) National Capital Region (NCR) ang pangamba ng mga motorista na magiging sobrang istrikto sila sa pagpapatupad ng bagong alituntunin kaugnay sa pag-aangkas sa motorsiklo.
Ito ay matapos na pumayag na ang gobyerno sa backride pero dapat mag-asawa, live-in partner o magkasintahan ang magkaangkas.
Ayon kay Col. Wilson Doromal, hepe ng HPG-NCR, magbibigay sila ng konsiderasyon sa mga magkaangkas.
Pero aminadong hamon sa kanila kung paano matutukoy na totoong couple ang riders.
Kaya hinihikayat na lamang nito ang mga magkakaangkas sa motorsiklo na magdala ng ID para maiprisinta sa mga checkpoint.
Aniya, kailangan lang naman daw malaman ng HPG kung pareho ang address ng magkaangkas.
Facebook Comments