Suportado ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang R.A. 1129 o Child Safety in Motor Vehicles Act, na ipapatupad na sa bansa.
Matatandaang sisimulan na sa susunod na buwan ang nasabing batas.
Nakasaad sa batas na ang mga batang lulan ng pribadong sasakyan katulad ng mga kotse, van, o SUV, ay nakaupo sa car seat na tinatawag ding Child Restraint System o CRS.
Kasama rito ang lahat ng batang may edad 12 taon pababa o may tangkad na hanggang four feet at eleven inches, o 4’11“.
Sinasabi rin sa batas na dapat paupuin ang mga bata sa car seat na angkop sa kanilang edad, tangkad, at timbang.
Batay pa sa batas, bawal ang pag-upo ng mga bata sa harap ng sasakyan, o ang iwanan ang mga bata nang walang kasamang magulang o guardian sa sasakyan.
Una nang ipinagbabawal ang pag-upo sa harap ng sasakyan ng mga batang hanggang anim na taong gulang.
Pero ipinalalawig ng bagong batas ang saklaw na edad sa 12 taon pababa.