Manila, Philippines – Nagsimula na ang imbestigasyon ng Philippine National Police – Internal Affairs Service sa mga PNP-Caloocan na sangkot umano’y sa nakawan.
Kasabay nito, tiniyak ni PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo na wala silang papanigan at ito ay kanilang gagawin kahit na hindi pa nagsusumite ng reklamo sa kanilang tanggapan ang mga biktima ng pagnanakaw ng ilang tauhan ng Caloocan City PNP.
Base sa paunang impormasyon ng PNP-IAS, aabot sa labinglimang mga pulis ang kasama sa operasyon kung saan ay pinasok nila ang isang bahay sa lungsod at pinagnakawan.
Isang menor-de-edad rin at isang pilay na police asset na nakunan ng CCTV na nanguna sa pagpasok sa nasabing bahay at may dala pang baril ang ipinahahanap ng PNP-IAS.
Kahapon ay sinibak ng National Capital Regional Police Officer ang buong pwersa ng Caloocan City PNP makaraan silang masangkot sa ilang mga kontrobersiya sa mga nakalipas na araw.