PNP, inisa-isa ang mga parusa sa mga mahuhuling nagpapaputok sa mga hindi designated fireworks area

Pagkakakulong at multa, ito ang parusa sa sinumang mahuhuling nagpapaputok sa mga lugar na hindi designated community firework display areas.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Col. Jean Fajardo na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7183 ang mga mahuhuling magpapaputok sa mga hindi designated community firework display area.

Ang parusa sa kasong ito ay ang hindi bababa sa anim na buwan na pagkakakulong at hindi lalampas sa isang taon.


Magmumulta rin ng hindi bababa sa P20,000 at hindi lalagpas sa P30,000.

Posible ring magresulta sa kanselasyon ng pagri-release ng business permits ng Local Government Unit (LGU).

Una nang nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga LGU na gumawa ng community firework display areas sa kanilang nasasakupang lugar upang maiwasan ang masugatan o masawi dahil sa mga paputok.

Facebook Comments