PNP, ipinauubaya na sa SC ang kautusan ng Pangulo na agad sirain ang mga nakukumpiskang shabu

Ipinuubaya na ng Philippine National Police (PNP) sa Korte Suprema ang mga dapat gawin sa bagong kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sirain sa loob ng isang linggo ang lahat ng mga shabu na nakumpiska sa mga operasyon laban sa mga drug personalities.

Layunin daw nitong maiwasan na ang pag-recycle sa mga ito kapag nagtagal pa sa kamay ng mga awtoridad.

Pero ayon kay Police Col. Ysmael Yu, tagapagsalita ng PNP, may sinusunod na criminal procedures ang PNP dahil ginagamit ang mga shabu na nakukumpiska bilang ebidensya sa kaso.


Aniya, ang layunin lang ng PNP ay manalo sa kaso laban sa mga nahuhuli nito sa operasyon sa pamamagitan ng pagpapakita ng ebidensya.

Pero sa huli, nasa Korte Suprema na aniya ang pagpapasya kung dapat bawasan o sirain na agad ang mga ebidensya sa kaso.

Pahayag pa ng PNP na ginagalang nila ang sinabi ng Pangulo.

Facebook Comments