Itinanggi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PCol. Jean Fajardo na tumataas ang insidente ng kidnapping sa bansa.
Ito’y sa gitna ng sunod-sunod na ulat sa tungkol sa mga umano’y “kidnapping incidents”.
Halimbawa na rito ang magkahiwalay na ulat ng “alleged kidnapping” ng dalawang bata sa Bulacan, kamakailan.
Lumabas aniya sa imbestigasyon na naglayas lang matapos makagalitan ang isa habang ang pangalawa naman ay sumama sa mga kaibigan na mag-overnight nang hindi nagpaalam sa magulang.
Doon naman aniya sa kaso ng batang natagpuang patay sa Bustos, Bulacan matapos na iulat na nawawala ay nahuli na ang suspek.
Gayundin ang responsable sa pagpatay ng babaeng engineer na una ring iniulat na nawawala sa Malolos, Bulacan.
Kasunod nito, tiniyak ni Fajardo na mabilis na inaaksyunan ng PNP ang lahat ng mga kaso ng mga iniulat na nawawala, at walang dapat na ikaalarma hinggil dito ang publiko.