Cauayan City, Isabela- Matagumpay na nagsagawa ng medical mission ang hanay ng Jones Police Station sa dalawang napiling barangay sa naturang bayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Mervin Delos Santos, hepe ng pulisya, mula sa 42 na mga barangay na sakop ng Jones ay napili ng pulisya ang barangay Napaliong at Minuri para sa medical mission at libreng gupit sa pakikipagtulungan ng 3rd Platoon ng 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company (2nd IPMFC).
Nasa 30 katao mula sa barangay Napaliong ang nag-avail sa flu vaccine at nabigyan ng bitamina ng pulisya habang 55 katao naman ang nakinabang sa libreng gupit.
Sa kaparehong araw din ay nagtungo ang tropa ng pulisya sa barangay Minuri at isinagawa ang house to house na pagbabakuna kung saan 20 katao ang naging kwalipikadong benepisyaryo dito.
Iginiit naman ni PCapt Delos Santos na nasunod at naipatupad ang mga minimum health standards kontra sa COVID-19 nang isagawa ang naturang aktibidad.
Paliwanag ng Hepe, napili ang dalawang barangay dahil sa presensya ng mga hinihinalang supporter ng NPA kung saan ay layong matulungan ang mga residente sa pamamagitan ng libreng pakonsulta at libreng gupit.
Sinabi pa ng Hepe na mayroon pa silang isusunod na mga barangay na pagsasagawaan ng kanilang mga programa.