PNP, kinalampag ng isang kongresista kaugnay sa tumataas na bilang ng nangyayaring krimen sa bansa

Kinalampag ni Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles ang Philippine National Police (PNP) na gawin ang lahat ng makakaya para maresolba at matuldukan ang tumataas na bilang ng mga nagaganap na krimen sa bansa.

Inihalimbawa ni Nograles ang pagpatay sa apat na katao sa Montalban kamakailan at pagkatagpo sa bangkay ng dalawang babae at dalawang lalaki sa Montalban, Rizal.

Binanggit din ni Nograles ang pamamaril sa tatlong katao ng hindi pa nakilalang suspek sa Brgy. Fort Bonifacio sa Taguig City at ang pagdukot ng mga armadong kalalakihan sa isang lalaki sa gasoline station sa Taal, Batangas na kalauna’y natagpuang patay sa Quezon Province.


Sabi pa ni Nograles, naririyan din ang mga kaso ng pagkawala ng mga kababaihan, na ang iba ay napapaulat ding nasawi o ginahasa.

Ayon kay Nograles, naiintidihan ng publiko na nasa ‘honeymoon stage’ pa ang mga bagong lider ng kapulisan, pero hindi naman naghihintay ang mga kriminal.

Mungkahi ni Nograles sa PNP, maging visible, pag-ibayuhin ang pagpapatrolya at paghusayin ang emergency hotlines at emergency response time.

Giit ni Nograles sa PNP, tuparin ang mandato na tiyaking ligtas ang mamamayan at huwag hayaang maghari ang takot sa ating bayan.

Facebook Comments