PNP Lasam, Duda sa Natanggap na Text Message mula sa Nawawalang Policewoman

Cauayan City, Isabela- Nagdududa ngayon ang Lasam Police Station sa di umano’y texter na nagpakilalang si PMSg. Jovelyn Camangeg na 20 araw ng nawawala mula nang siya’y hindi nakita.

Base sa text message na natanggap ng pulisya, sinasabi na huwag mag-alala ang lahat at huwag muna itong gambalain sa kanyang kinaroroonan.

Sinabi pa diumano ng nagpapakilalang pulis na siya ay nasa Metro Manila lamang at uuwi din sa kanilang bahay sa Centro Dos sa bayan ng Lasam.


Inihabilin din nito sa text message ang dalawa nitong anak na nasa pangangalaga ng kanyang kapatid.

Kaugnay nito, maging ang mga kaanak ng nawawalang pulis ay duda sa texter dahil sa istilo diumano ng pagpapadala ng mensahe ng kanilang kapatid.

Ilocano umano ito kapag nakikipag-usap sa text message man o tawag sa kanyang cellphone.

Gayunman, umaasa pa rin ang mga kamag-anak ng nawawalang pulis at mga kasamahan sa trabaho na ito ay buhay pa at makakauwing ligtas sa kanyang pamilya.

Facebook Comments