Magsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa nabulgar na ‘online kopyahan’ ng mga estudyante sa ilalim ng Distance Learning Scheme.
Ayon kay Philippine National Police (PNP), Gen. Guillermo Eleazar, inutos nya na sa pamunuan ng PNP Anti Cybercrime Group na agad makipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) para masimulan na ang imbestigasyon.
Ito ay matapos ang panawagan ni DepEd Secretary Leonor Briones sa mga otoridad na imbestigahan ang insidente.
Sinabi ni PNP chief na gagawin nila ang kanilang makakaya upang makilala ang mga nasa likod ng ‘online kopyahan’ sa pamamagitan ng isang Facebook account kung saan ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa tanong sa examination.
Sa ngayon, nagsimula na rin na mag-imbestiga ang National Bureau of Investigation (NBI) sa nasabing kaso.