Ipapakalat ng Philippine National Police (PNP) ang 200 pulis para magbantay sa unang bar exam sa labas ng Metro Manila na isasagawa tatlong unibersidad sa Cebu sa February 4 hanggang February 6.
Ang tatlong pagdarausan ng bar exam ay ang University of Cebu sa Banilad, University of San Carlos-Main campus at University of San Jose Recoletos-Basak Pardo.
Siniguro naman ni PNP Public Information Office Chief PBgen. Roderick Augustus Alba na maagang ide-deploy ang kanilang mga tauhan sa mga nasabing lugar sa araw ng exam para paalalahanan ang mga motorista sa mga isasarang kalsada.
Ito’y dahil sa pakiusap ng mga administrator ng mga nasabing paaralan na limitahan ang mga sasakyan sa bisinidad ng mga unibersidad para hindi maka-istorbo sa examinees ang ingay ng trapiko.
Nakiusap naman ang PNP sa mga kamag-anak at kaibigan ng mga examinees na kung maaari ay wag nang mag-send off sa mga examinee upang maiwasan ang overcrowding sa labas ng mga unibersidad.
Paalala rin ng PNP sa mga examinee na istriktong sundin ang mga health protocols bago at pagkatapos ng exam.