Magdedeploy ngayong araw ang Philippine National Police (PNP) ng mga pulis sa mga mall para siguruhin na maipapatupad ang social distancing.
Kasabay ito sa pagbabalik operasyon ng mga mall sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) at General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay Joint Task Force Coronavirus Shield (JTF COVID SHIELD) Commander Lieutenant General Guillermo Eleazar, tutulong ang mga pulis sa security personnel ng mga mall sa pagpapatupad ng basic protocols laban sa COVID-19, kagaya ng physical distancing at pagsusuot ng face masks.
Paliwanag pa ni Eleazar, ang deployment sa mga pulis, lalo na sa mall entrances, ay bahagi ng pinalakas na police visibility kasunod ng pagluluwag sa quarantine restrictions.
Ibig sabihin, inaasahang mas marami ng tao ang papayagang bumiyahe para makapasok sa kani-kanilang mga trabaho.
Tiniyak din ni Eleazar na nasabihan na nila ang mall security managers sa kung ano ang dapat sundin base sa mga nakaraang pagpupulong.