Magpapatupad ang Philippine National Police o PNP ng lockdown sa bisinidad ng National Museum of the Philippines sa lungsod ng Maynila kung saan gaganapin bukas ang inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon sa PNP, magsisimula ang lockdown bandang alas-10 ng umaga, oras na inaasahan ang pagdating ng susunod ng pangulo ng bansa.
Kaugnay nito, hinikayat ni PNP-Director for Operations PMGen. Valeriano de Leon sa mga nais manood ng personal ay dumating na maaga para sa ipapatupad na security screening.
Sa Laging Handa Public press briefing, pinaalala ni De Leon na iwasang magdala ng mga ipinagbabawal upang maging maayos at mabilis ang mga security check.
Kabilang sa mga ipinagbabawal na bagay ay ang mga backpack, mga lalagyan ng tubig na may kulay, mga matulis na bagay tulad ng cutter, blades, kutsilyo at iba pa.
Bawal din ang mga inuming may alkohol, sigarilyo, mga kemikal, mga paputok at pyrotechnics, lighter, posporo at iba pang mga bagay na nasusunog at mga drone.
Sinabi na rin ng PNP na maglalagay sila ng security control points para limitahan kung sino ang makakapasok sa bisinidad ng naturang venue.
Samantala, una nang sinabi ni Manila Police District o MPD Spokesperson Police Major Philipp Ines na makakapasok sa National Museum of the Philippines ang sinumang gustong manood ng panunumpa ni incoming President Marcos simula ala-sais ng umaga hanggang alas-nuwebe ng umaga.
Aniya, bubuksan nila ang Victoria at General Luna streets sa mga nasabing oras lamang.