PNP, magsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa alegasyon sa kanila ni Kerwin Espinosa

Handang ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa mga alegasyon laban sa mga pulis ng umano’y drug lord na si Kerwin Espinosa, sa ngalan ng hustisya.

Inihayag ito ni PNP Public Information Office Chief PBGen. Roderick Augustus Alba kaugnay ng counter-affidavit na isinumite ng kampo ni Espinosa sa Department of Justice (DOJ) kung saan binawi niya ang lahat ng kaniyang mga pahayag na nagsangkot kay Sen. Leila Delima sa iligal na droga.

Sa affidavit, sinabi ni Espinosa na ang kaniyang mga naunang pahayag sa mga pagdinig ng Senado laban kay De Lima ay resulta umano ng pananakot at pagbabanta sa kaniya at sa kaniyang pamilya ng mga pulis.


Ayon kay PBGen. Alba, wala pang natanggap na kopya ng counter-affidavit ang PNP, ngunit “committed” ang PNP na lumabas ang katotohanan sa lahat ng kasong hinahawakan nila.

Sa ngayon, nasa korte na aniya ang kaso, at mas mabuting hayaang gumulong ang sistema ng hustisya.

Facebook Comments