Magtatayo ang Philippine National Police (PNP) ng mga Police Assistance Desks sa loob ng mga special economic zones na pinangangasiwaan ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA).
Ito ay kaugnay sa nilagdaang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Memorandum of Agreement ng PNP at PEZA para sa Ecozone Industrial Peace Program.
Ang dokumento ay nilagdaan ni PNP Chief Police General Debold Sinas at PEZA Director General Charito Plaza kahapon sa Camp Crame.
Sinabi ni PNP Chief, sasailalim sa training ng PNP ang mga private security ng mga ecozone para magsilbing force multipliers ng mga pulis sa pagpapanatili ng “industrial peace”.
Tuturuan sila ng police operations, crisis resiliency, civilian resistance, profiling, human relations, traffic violation/investigation, human psychology, community relations, IED Awareness at Bomb Threats Management, at life-saving techniques.
Ito ay upang makalikha ng “business-friendly environment” sa loob ng mga ecozones para mas maraming mahikayat na mamuhunan.