PNP, mahigpit na imo-monitor ang profiteering at hoarding sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity

Inatasan na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr., ang mga police unit sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity dahil sa Bagyong Egay na mag-monitor sa posibleng profiteering, hoarding at unfair trade practices at tumulong sa mga LGU at Department of Trade and Industry sa pagpapatupad ng price freeze.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Red Maranan, bahagi ito ng relief operation and preparedness plan ng PNP para makapaghatid ng tulong at suporta sa mga rehiyon na lubhang naapektuhan ng Bagyong Egay.

Kasama rin dito ang pag-imbentaryo at pag-deploy sa relief operations ng mga suplay ng pagkain sa mga food bank ng mga Police Regional Office.


Ipapatupad din aniya ng PNP ang “Adopt a Region” kung saan ang NCRPO ang susuporta sa PRO 1; ang PRO 3 naman ang tutulong sa PRO 2; at ang PRO 4A ang aalalay sa PRO COR, sa paghahatid ng tulong sa mga nasalantang lugar.

Bukod dito inatasan na rin ni Gen. Acorda ang Special Action Force na i-deploy ang kanilang mga desalination machine sa mga lugar na may kakapusan sa suplay ng inuming-tubig; at ang Higway Patrol Group na tiyaking maayos ang daloy ng transportasyon sa mga rehiyong apektado ng bagyo.

Facebook Comments