Hindi inirerekomenda ng Masbate City Police sa Commission on Elections (Comelec) na mapasailalim sa red category ang kanilang lugar.
Ayon kay Philippine National Police Public Information Office (PNP-PIO) Chief PCol. Jean Fajardo, kumpiyansa ang Masbate Police na kaya nilang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa lalawigan habang papalapit ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.
Ayon kay Fajardo, sa ngayon ay nagdagdag na ng mga tauhan ang Masbate Police mula sa regional headquarters ng Region 5 upang matiyak ang kaligtasan sa buong lalawigan.
Matatandaang kamakailan ay patay ang isang kandidato sa pagka-barangay councilor habang sugatan naman ang incumbent barangay chairman sa Brgy. Maingaran sa Masbate matapos ang insidente ng pamamaril.
Nito lamang nakalipas na araw isa rin ang patay habang dalawa ang sugatan sa Barangay Cabangcalan, Placer, Masbate matapos tambangan ng mga rebelde ang tumatakbong barangay kapitan na napag-alamang dati ring kasapi ng communist terrorist group (CTG).
Sa ngayon ani Fajardo, tukoy na ang CTG na nasa likod ng insidente at patuloy ang pagtugis sa kanila ng mga awtoridad.