PNP, may 2 POI na sa pagdukot ng Amerikano sa Zamboanga del Norte

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na mayroon na silang dalawang persons of interest (POI) sa pagdukot sa isang American national noong Huwebes ng gabi sa Sibuco, Zamboanga del Norte.

Ayon kay Philippine National Police Public Information Office (PNP PIO) Chief PBGen. Jean Fajardo, inaalam na sa ngayon ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang 2 POIs sa local terrorist group.

Ani Fajardo, base sa salaysay ng mga testigo, nakita nila ang 1 sa 4 na mga suspek na dumukot sa Amerikano dahil wala itong takip sa mukha habang inaayos ang bangka kung saan isinakay ang biktima.


Mayroon narin aniyang composite sketch at alias ang suspek, ngunit hindi muna isasapubliko ng pulisya hangga’t nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Sa ngayon, wala pa aniyang indikasyon na nakalabas na ng Zamboanga del Norte ang bangkang sinakyan ng mga suspek kasama ang biktima.

Patuloy ding sinisilip ang anggulong kidnapping dahil hanggang sa mga oras na ito ay wala namang demand na ransom ang mga kumuha dito.

Facebook Comments