PNP, Mayroon ng Person of Interest sa Pamamaril sa Isang Binata sa San Guillermo, Isabela

27

Cauayan City, Isabela- Nagpapatuloy ang ginagawang pangangalap ng impormasyon ng San Guillermo Police Station hinggil sa pamamaril na ikinamatay ng isang binata sa Sitio Pantar, Brgy. Colorado, San Guillermo, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa imbestigador ng pulisya na si PCpl. Danny Boy Dela Cruz, kanyang sinabi na mayroon na silang tinitignang ‘person of interest’ sa nangyaring pamamaril kay Prince Joy Rugnao, 19 taong gulang, isang helper na residente ng brgy. Centro 2, San Guillermo noong ika-23 ngayong Hulyo.


Ayon kay PCpl. Dela Cruz, lumabas sa kanilang imbestigasyon, pauwi na ang biktima sa kanilang bahay matapos ihatid ang kanyang lolo sa barangay Colorado sakay ng minamanehong traysikel at nang makarating sa maisan, tinapatan at binaril ng isang beses sa ulo ang biktima ng hindi pa nakikilalang suspek.

Lumalabas din sa pagsisiyasat ng pulisya, sinusundan ng suspek ang traysikel ng biktima at agad na tumakas sakay ng kanyang motorsiklo matapos ang pamamaril sa biktima.

Naisugod pa ng Rescue 802 sa isang ospital sa Santiago City ang biktima subalit kalauna’y binawian din ng buhay.

Kaugnay nito, nakahanda na ang kasong Murder o pagpatay na isasampa ng pulisya laban sa salarin.



Facebook Comments