Umaabot na sa pitong dayuhang pugante na sangkot sa iba’t ibang krimen ang nahuli mula sa ikinasang raid sa isang POGO firm sa Las Piñas City noong isang linggo.
Ang pito ay kinabibilangan ng apat na Chinese nationals at tatlong Taiwanese.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson PCol. Jean Fajardo, sangkot ang mga ito sa fraud, drug trafficking, human trafficking at scam.
Ani Fajardo, nadagdagan pa ang bilang ng mga nabisto nilang fugitive dahil sa nagpapatuloy na profiling at documentation ng PNP Anti-Cybercrime Group at Bureau of Immigration.
Paliwanag pa ng opisyal, nagpasaklolo sa PNP ang Chinese Embassy dahil natunton ang IP Address na ginagamit sa malawakang scam sa China sa compound ng Xinchuang Network Inc.
Sa ngayon, na-iturn over na ang mga pugante sa Bail for Immigration Detainees at nakatakdang i-deport pabalik ng China at Taiwan.