Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na wala sa kanilang polisiya na patayin ang mga mahuhuling drug suspek sa kanilang mga drug operation.
Ito ang sinabi ni PNP Chief General Guillermo Eleazar sa pahayag ng Commission on Human Rights (CHR) na nagpapatuloy pa rin umano ang mga patayan sa war on drugs, apat na taon mula nang mapatay si Kian Lloyd delos Santos sa Caloocan City.
Ayon kay PNP chief, napanagot na ang 3 pulis na nasa likod ng pagpatay kay Kian na kabilang sa nasa 5,000 pulis na nasibak sa serbisyo mula noong 2016.
Aniya, malinaw naman ang utos sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawin kung ano ang nakasaad sa batas pero dapat ay proteksyunan din ng mga alagad ng batas ang kanilang sarili kung nalalagay sa alanganin ang kanilang buhay.
Aniya, nagsisilbing paalala sa kanila ang kaso ni Kian na hindi dapat kunsintihin ang anumang mga pagkakamali at pang-aabuso sa kapangyarihan nang sinumang pulis.