STEPFATHER NA NANGGAHASA NG ANAK-ANAKAN, 3 IBA PA NA WANTED PERSON, ARESTADO SA CAGAYAN

101

Cauayan City, Isabela- Timbog ang apat na wanted sa batas kabilang na ang itinuturing na Top 1 Most Wanted Person- Regional level na isang stepdad sa magkakahiwalay na operasyon na isinagawa ng kapulisan sa Lalawigan ng Cagayan.

Unang naaresto ng mga elemento ng Aparri Police Station ang Top 1 Most Wanted Person sa rehiyon dos na si Amado Macadaeg Sr, na residente ng Brgy. Punta, Aparri, Cagayan.

Si Macadaeg Sr. ay nahaharap sa kasong dalawang (2) beses na panggagahasa, Statutory rape at Acts of Lasciviousness na may kaugnayan sa RA 7610.


Batay sa ulat ng PNP Aparri, isinasagawa ng akusado ang panghahalay sa 12 taong gulang na stepdaughter sa tuwing tulog o wala ang nanay nito sa kanilang bahay.

Dahil sa paulit-ulit na pang-aabuso at pambababoy ng kanyang stepfather, nagdesisyon na ang biktima na umalis sa kanilang tahanan.

Samantala, natimbog rin ng mga otoridad ang Top 7 most wanted sa municipal level na si Jay-ar Matas, 31 taong gulang, residente ng Brgy. Magsaysay, Lasam, Cagayan dahil sa kasong tangkang pagpatay.



Huli rin ang Top 7 most wanted person sa municipal level na si Prince Bautista, 37 taong gulang ng Brgy. Centro, Abulug, Cagayan dahil naman sa kasong Frustrated Homicide.

Bumagsak rin sa kamay ng mga alagad ng batas ang isang guro na si Roan Joy Cabulay, Top 8 Municipal Level, 35 taong gulang, residente naman ng Molino 4, Bacoor, Cavite dahil rin sa kasong Frustrated Homicide.

Inaresto ang apat na mga akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte.

Dinala sa himpilan ng pulisya ang mga nahuli para sa booking procedure at para sa kaukulang disposisyon.

Facebook Comments