PNP, nag-deploy ng mga karagdagang tauhan sa 10 lugar sa Bangsamoro region

Nag-deploy ang Philippine National Police (PNP) ng karagdagang pulis sa 10 lugar sa Bangsamoro Region.

Ito ay matapos isinailalim sa kontrol ng Commission on Election (COMELEC) ang mga bayan ng Buluan, Datu Odin Sinsuat, Datu Piang, Mangudadatu, Pandag at Sultan Kudarat sa Maguindanao; Marawi City at mga bayan ng Maguing, Malabang at Tubaran sa Lanao del Sur dahil sa banta ng karahasan ngayong eleksyon.

Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, kabilang sa kanilang idineploy ang mga tauhan ng Special Action Force (SAF) at Mobile Force Battalion para i-augment ang local troops doon.


Maliban dito, binabantayan din aniya nila ang 106 na mga bayan at 14 na lungsod na napailalim sa ‘Red’ category.

Sinabi rin ni Fajardo na hinihintay nila ang pagdedeklara ng COMELEC ng mas maraming lugar sa kanilang kontrol dahil sa matinding tunggalian sa pulitika at pagkakaroon ng pribadong armadong grupo.

Facebook Comments