Friday, April 10, 2026

PNP, nagbabala sa publiko kaugnay ng online investment scams kasunod ng insidente sa Laguna

Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko kaugnay ng investment scams kasunod ito ng pagkakaaresto ng isang grupo sa likod ng nasabing illegal scheme sa Santa Rosa City, Laguna.

Nabatid na naaresto ng mga operatiba ng PNP-Anti-Cybercrime Group sa koordinasyon sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang lider ng nasabing grupo kasama ng 14 na iba pa matapos manghikayat sa mga biktima nito na sumali sa isang hindi rehistradong online investment kapalit ng pangakong malaking kita at benepisyo.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., may mga nalilinlang pa rin online kung kaya’t paaalala nito sa publiko na huwag agad maniwala sa alok na malaking kita at siguraduhing lehitimo muna ito.

Ayon pa kay Nartatez, humihingi rin ito ng kooperasyon mula sa publiko na maging maingat, iberipika muna bago mag-invest at i-report agad ang anumang kahinahinalang aktibidad.

Nagbigay naman ng simpleng paalala ang PNP sa publiko na una ay iwasan ang mga deals na nangangakong may garantiyang high returns, i-check kung ang kumpanya ay nakarehistro sa mga tamang awtoridad at huwag magpadala ng pera sa mga hindi kilalang indibidwal o online platforms ng walang beripikasyon.

Kaugnay nito, kahit na bumaba ang mga kaso ng investment scams mula noong 2024 hanggang sa nitong 2025 ay nakapagtala naman ang pulisya ng 74 pa lang na kaso simula January hanggang March 2026 ay hindi pa rin dapat na makampante lalo na at nagpapatuloy na nakaka-adopt ang mga scammers sa kanilang mga taktika online.

Facebook Comments