
Inatasan ni Philippine National Police Acting Chief PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga operatiba na magkasa ng hot pursuit operation laban sa mga rebelde na nasa likod ng pagsabog ng landmine sa Camarines Norte.
Ang nasabing nangyaring pagsabog ay naganap noong Disyembre 19 kung saan 2 sundalo ang nasawi at 3 ang naitalang nasugatan.
Ayon kay Nartatez, nakikipagugnayan na ang ahensya sa Armed Forces of the Philippines sa pagiimbestiga sa nasabing insidente pati na rin sa pagtitiyak ng seguridad sa apektado at karatig na lugar.
Bukod dito, ay pinalakas din ang presensya ng mga kapulisan at mga checkpoints para sa anumang posibleng muling pag-atake ng nasabing mga rebelde.
Kaugnay nito, tiniyak ni Nartatez sa publiko na nananatiling alerto ang mga kapulisan para masiguro ang seguridad ng komunidad laban sa banta ng armadong grupo.









