Nag-isyu ang Philippine National Police (PNP) ng guidelines na susundin ng mga motorcyclist hinggil sa back-riding.
Ito ay kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng paglalagay ng physical barriers sa kanilang mga motorsiklo simula ngayong araw, August 1, 2020.
Ayon kay PNP Directorate for Operations Police Major General Emmanuel Licup, batay sa panuntunan, ang lahat ng motorcycle drivers at kanilang pasahero ay kailangang nakasuot ng face masks at helmets sa lahat ng oras.
Nasa dalawang tao lamang ang pwedeng isakay sa motorsiklo.
Ang rider at ang pasahero ay kailangang magpakita ng mga dokumento sa mga checkpoint kung sila ay kasal o magkasamang naninirahan.
Ang mga motorosiklo ay kailangang mayroong safety barrier na aprubado ng National Task Force against COVID-19.
Ang mga mahuhuling lalabag ay pagmumultahin ng ₱1,000 hanggang ₱10,000 depende sa bilang ng nagawang paglabag.