Patuloy ang paghahanda ng Philippine National Police (PNP) para sa gagawing re-assignment ng kanilang mga tauhan.
Ito’y isang linggo matapos ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa 2025 midterm elections.
Ayon kay PNP PIO Chief PBGen. Jean Fajardo, ongoing ang kanilang inventory ng mga pulis na may mga kamag-anak na tatakbo sa eleksyon.
Oras na matapos, isasapinal nila ang listahan at saka ipatutupad ang paglilipat ng pwesto.
Una nang nagpaalala si PNP Chief PGen. Rommel Marbil sa pagiging non-partisan ng PNP.
Ani Marbil, mandato ng mga pulis na tiyaking maayos at mapayapa ang eleksyon at kung paanong dapat sila ay manatiling walang kinikilingan.
Babala ng PNP chief na papatawan nang mabigat na parusa ang sinumang pulis na masasangkot sa political interference o sumusuporta sa isang kandidato.