Siniguro ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar na magkakaroon ng mas malalim na imbestigasyon ang insidente ng pamamaril ng barangay tanod sa isang curfew violator sa Maynila na sinasabing may sakit sa pag-iisip.
Ayon kay PNP chief, naghahanda na ang mga pulis sa pagsasampa ng kaso para mapanagot ang barangay tanod na si Caesar Panlaqui na nakapatay kay Eduardo Genoga.
Kasama aniya sa iimbestigahan ay kung bakit may baril ang barangay tanod at kung ito ba ay rehistrado.
Kung lalabas sa imbestigasyon na hindi rehistrado ang baril na nakumpiska kay Panlaqui ay mahaharap pa siya sa karagdagang kaso ng illegal possession of firearm.
Nangako naman si Eleazar na tututukan ng PNP ang kasong ito at makakaasa ang pamilya ng biktima na gagawin nila ang lahat na legal na paraan upang mapanagot ang may gawa ng krimen.